Sunday, May 19, 2013

"Para Malibang"


Sa aking pagbabasa ng ilang maikling kwento ni Tony Perez, ako’y naakit sa piniling tagpuan ni Perez sa kaniyang mga akda: ang Cubao.

Ako’y nagmumula sa Las Piñas, at araw-araw kong kinailangan magbiyahe patungo at pabalik mula sa Ateneo noong tag-araw na semestro.  Sa aking paglalakbay, palagi kong dinadaan ang Cubao, o ang loob ng Farmers’ Plaza at Gateway, upang makalipat sa LRT o MRT. Kahit maliit na bahagi lang ng Cubao ang aking nadadaanan at nararanasan, ako’y nagulat pa rin sa pagkukuwento ni Tony Perez ukol sa lugar na ito. Hindi ko inakalang pinalilibutan pala ang Cubao ng maraming lihim na gawain, kahamakan, at pati mga kababalaghang sa pagkagat ng dilim.

Sinubukan kong ilangkap ang mga pangyayari sa akda ni Perez sa Cubao na araw-araw kong dinadaanan. Hindi ko ito magawa dahil malayo sa aking karanasan ang mga nagaganap sa akda. Kaya’t ako’y bumili ng isang dyaryong tabloid na akala ko’y maglalaman ng mga balitang kahawig sa mga nabanggit na pangyayari sa mga akda. Sa aking mabilis na pagbabasa ng tabloid na puno ng mga impormasyong ‘di ko hinahalagahan, nakarating ako sa isang pahinang pinamagatang “Para Malibang.” At dito ko natagpo sa pahinang ito ang ilang talata at kwentong nagpapamalas ng mga karanasang hawig sa mga pinagdaanan ng mga tauhan ni Tony Perez.




Ako’y nagulat at natuwa sa aking natuklasan. Dito ko tuluyang nakita na ang mga kinatha ni Tony Perez na pinaniwalaan kong puno ng kababalaghan ay araw-araw na karanasan ng mga tao sa Pilipinas. Hindi lang makukulong sa Cubao ang tagpuan ng mga “balita” o kwento dahil ang dyaryong nagkataon ko lamang bilhin ay sinusubaybayan ng maraming Pilipino, at ang ilan sa kanila’y mismong nakaranas ng ilang pangyayaring inilahad ng tabloid.

Dahil sa aking natanto, ako’y gumawa ng parodya sa pahinang “Para Malibang” na halaw sa mga katha ni Tony Perez, ang mga pangyayari sa mga kwento o ang karanasan ng isang tauhan.



Ito’y aking ginawa upang ipakita ang aking pagpapahalaga sa mga akda ni Perez. Ang paggamit niya ng ilang multo at halimaw mula sa mitolohiya ng mga Pilipino upang ihawig sa tao ang nagmulat sa akin na ang ilang kababalaghang ating nararanasan ay kailangan sa buhay dahil ito na rin ang nagbibigay kahulugan sa ating pagkatao.

Saturday, May 18, 2013

Kabataan


Aming binalikan sa Fil14, o Panitikan ng Pilipinas, ang nobelang kinailangang naming basahin noong ikatlong taon sa Mataas na Paaralan, ang Noli Me Tangere ni Jose Rizal.

Sa aming pagtalakay sa klase, nakilala ulit namin ang tauhan ni Basilio. Noong una kong nabasa ang Noli Me Tangere, hindi ko masyadong nainitindihan ang halaga ni Basilio sa buong naratibo. Sa El Filibusterismo ko lamang siya nakitaan ng halaga. Kaya’t nagulat ako sa klase nang inintindi namin ang tauhan ni Basilio batay sa Noli Me Tangere bilang taglay ng pag-asa sa bayang ninakawan ng kalayaan. Ang tauhan niya pala’y binuo mula sa mga pangarap at pangako ng magandang kinabukasan para sa bayan. Mas nahahalagaan ko na ngayon ang kanyang pagkasagisag ng “kabataan, ang pag-asa ng bayan.”

Ako’y ngayong napaisip kung ang tinataglay ni Basilio ay taglay ko rin at ng kapwa kong kabataan. Kung ganoon ay hanggang saan na ang narating ng mga pangako at pangarap ng kinabukasan?

Noong Biyernes, nakasabay ko sa aking biyahe pauwi sa MRT ang isang batang siguro’y apat na taong gulang pa lang. Kahit pa man, siya’y isa sa mga aking kapwang kabataan ngunit ang kanyang kalagayan ay hindi katulad sa akin. Siya’y bahagi ng isang mahirap na pamilya, at isinaad sa aming klase sa SA21, o Introduction to Sociology and Anthropology, na hindi umaangat ang mahihirap sa Pilipinas gaano man silang nagtiyaga sa kanilang trabaho. Ang edukasyon at marami pang pangunahing pangangailangan ay hindi isang pribilehiyo o palaging nabibigay sa mga batang mahirap. Kung ganoon ang kalagayan ng ating bansa, paano matutupad ng kabataan ang pangako ng magandang kinabukasan sa bayan?

Matagal kong pinagmasdan sa MRT ang batang wala pang tuluyang malay sa malupit na katotohanan ng aming mundo, at pinilit kong madama ang pag-asang tinataglay ni Basilio. Sa aking paghahanap ng pag-asa, aking natandaan muli ang naratibo ni Basilio. Nawasak ang kinabukasan ni Basilio nang sinira ng sistema ng lipunan ang kanyang pamilya. Ngunit sa isang pagkakataon ay may nagbigay at nagmulat sa kanya ng pag-asa para sa isang magandang kinabukasan para sa kanya at sa bayan. Mula kay Elias, nagkaroon ng oportunidad si Basilio baguhin ang kalagayan ng kinabukasan, at aking natanto na ang oportunidad na ito’y binigay rin sa akin. Mula sa pag-aalaga ng aking mapagmahal na pamilya at paghuhubog sa akin ng marangal na edukasyon, nabuo sa aking kamay ang pag-asa ng kinabukasan. At alam kong ang batang aking nasalubong ay may hawak ring pag-asa sapagkat, kagaya ni Basilio, darating rin sa kanya ang pagkakataon at oportunidad baguhin ang lipunan.

Naglalapit na ang itinakdang panahon ng aming pakikipagsapalaran sa mundo. Dahil dito, kailangan ko nang magpaalam sa nakaraang hindi ko lang kinalakihan kundi binigyan ko rin ng sariling buhay. Alam ko na ngayon ang mundo pala’y hindi makukulong sa mga laruan at hanggahan ng bahay. Ang mga inibig ko noon araw-araw ay bahagi nang mga kailangang lumipas at mawala. Ang aking tinaguriang kanlungan ay mundo rin pala ng maraming kabataang naghahangad lamang ng oportunidad mag-aral at lumaki nang masagana. Mula sa aking mga nalaman at natanto, ako’y gumawa ng isang video gamit ng mga larawan at ang kanta ng Callalily, HKM. Ibig kong ipakita sa aking nilikha na ang langit sa aki’y hindi lang tahanan ng ating pinapakawalan, kundi ito rin ay isang tanda sa bawat bagong araw ating tutunguhan at dadalhan ng pag-asa.



Saturday, May 11, 2013

Komiks bilang Kuha ng Kamera


Sa aming pagtalakay ng Pinoy Komiks sa klase ng Fil14 o Panitikan ng Pilipinas, umakit sa aking pansin ang pagpapaliwanang ng komiks bilang guhit. Mahalaga raw ang guhit sa kabuuan ng komiks sapagkat hinuhubog nito ang larawan at imahinasyon ng mambabasa ukol sa mga karakter, tagpuan at pangkalahalatang tatak ng naratibo.

Ngunit, kung larawan ang kinakailangan upang mabuo ang diwa at anyo ng komiks, maaari bang gumamit ng mga kuha ng kamera sa halip ng guhit upang maisalaysay ang naratibo ng komiks sa mga imahinasyon ng mambabasa?

Ito’y isang haka na ibig kong patunayan kung isasagawa sa ating kasulukuyang panahon.

Ako’y lumikha ng masasabi kong isang payak na komik gamit ng aking mga kuha ng kamera kaysa guhit ng aking kamay. Layunin kong ipakita ang kapangyarihan ng ganitong uri ng larawan sa pagbuo ng naratibo at kaya wala akong nilagay na dayalogo (o kahit anong uri ng speech bubble o sound effects), at gumamit lamang ako ng iisang perspektibo (ang mababang anggulo) at limitadong teksto. Sinubukan ko ring gumawa ng naratibo na hindi sentro sa tauhan at sa halip ay sa tagpuan. Kaya't pwedeng isipin sa aking ginawa ay halos walang itinakdang bida.

Ito ang naging produkto ng aking eksperimento:




Ang mga larawang ginamit ay kinuhan ko sa Daang Hari na matatagpuan sa siyudad ng Las Piñas noong umaga ng Mayo 11. Kaunting pagbabago sa midtones ang ginawa ko sa pag-edit ng kulay gamit ang Photoshop.

Bagaman isinasaad ko na ang eksperimento ay maaaring tanggapin bilang isang anyo ng makabagong komiks, aaminin ko na sa ganitong uri ay nawawala ang hinahangaang paglikha ng mga detalye gamit ang kamay. Kaya’t tuluyan kong titingalaan ang lahat ng Pilipinong ilustrador sa komiks dahil sa kanilang kasipagan at pagkamalikhain sa pagguhit ng mga nobelang tumatatak sa ating kamalayan. Lalo na’t natuklasan ko ang aking limitadong kakayahan sa pagguhit nang ipinagawa sa amin ang pagsasanay bilang 6 at 7, ang paglika ng orihinal na komiks.