Sa aming pagtalakay ng Pinoy Komiks sa klase ng Fil14 o Panitikan ng Pilipinas, umakit sa aking
pansin ang pagpapaliwanang ng komiks bilang guhit. Mahalaga raw ang guhit sa
kabuuan ng komiks sapagkat hinuhubog nito ang larawan at imahinasyon ng
mambabasa ukol sa mga karakter, tagpuan at pangkalahalatang tatak ng naratibo.
Ngunit, kung larawan ang kinakailangan upang mabuo ang diwa
at anyo ng komiks, maaari bang gumamit ng mga kuha ng kamera sa halip ng guhit
upang maisalaysay ang naratibo ng komiks sa mga imahinasyon ng mambabasa?
Ito’y isang haka na ibig kong patunayan kung isasagawa sa
ating kasulukuyang panahon.
Ako’y lumikha ng masasabi kong isang payak na komik gamit
ng aking mga kuha ng kamera kaysa guhit ng aking kamay. Layunin kong ipakita
ang kapangyarihan ng ganitong uri ng larawan sa pagbuo ng naratibo at kaya wala
akong nilagay na dayalogo (o kahit anong uri ng speech bubble o sound effects),
at gumamit lamang ako ng iisang perspektibo (ang mababang anggulo) at
limitadong teksto. Sinubukan ko ring gumawa ng naratibo na hindi sentro sa tauhan at sa halip ay sa tagpuan. Kaya't pwedeng isipin sa aking ginawa ay halos walang itinakdang bida.
Ito ang naging produkto ng aking eksperimento:
Ang mga larawang ginamit ay kinuhan ko sa Daang Hari na
matatagpuan sa siyudad ng Las Piñas noong umaga ng Mayo 11. Kaunting pagbabago
sa midtones ang ginawa ko sa pag-edit ng kulay gamit ang Photoshop.
Bagaman isinasaad ko na ang eksperimento ay maaaring tanggapin bilang
isang anyo ng makabagong komiks, aaminin ko na sa ganitong uri ay nawawala ang
hinahangaang paglikha ng mga detalye gamit ang kamay. Kaya’t tuluyan kong titingalaan
ang lahat ng Pilipinong ilustrador sa komiks dahil sa kanilang kasipagan at pagkamalikhain
sa pagguhit ng mga nobelang tumatatak sa ating kamalayan. Lalo na’t natuklasan
ko ang aking limitadong kakayahan sa pagguhit nang ipinagawa sa amin ang
pagsasanay bilang 6 at 7, ang paglika ng orihinal na komiks.
No comments:
Post a Comment