Sa aking pagbabasa ng ilang maikling kwento ni Tony Perez,
ako’y naakit sa piniling tagpuan ni Perez sa kaniyang mga akda: ang Cubao.
Ako’y nagmumula sa Las Piñas, at araw-araw kong
kinailangan magbiyahe patungo at pabalik mula sa Ateneo noong tag-araw na
semestro. Sa aking paglalakbay,
palagi kong dinadaan ang Cubao, o ang loob ng Farmers’ Plaza at Gateway, upang
makalipat sa LRT o MRT. Kahit maliit na bahagi lang ng Cubao ang aking
nadadaanan at nararanasan, ako’y nagulat pa rin sa pagkukuwento ni Tony Perez
ukol sa lugar na ito. Hindi ko inakalang pinalilibutan pala ang Cubao ng
maraming lihim na gawain, kahamakan, at pati mga kababalaghang sa pagkagat ng
dilim.
Sinubukan kong ilangkap ang mga
pangyayari sa akda ni Perez sa Cubao na araw-araw kong dinadaanan. Hindi ko ito
magawa dahil malayo sa aking karanasan ang mga nagaganap sa akda. Kaya’t ako’y
bumili ng isang dyaryong tabloid na akala ko’y maglalaman ng mga balitang
kahawig sa mga nabanggit na pangyayari sa mga akda. Sa aking mabilis na
pagbabasa ng tabloid na puno ng mga impormasyong ‘di ko hinahalagahan,
nakarating ako sa isang pahinang pinamagatang “Para Malibang.” At dito ko
natagpo sa pahinang ito ang ilang talata at kwentong nagpapamalas ng mga
karanasang hawig sa mga pinagdaanan ng mga tauhan ni Tony Perez.
Ako’y nagulat at natuwa sa aking
natuklasan. Dito ko tuluyang nakita na ang mga kinatha ni Tony Perez na
pinaniwalaan kong puno ng kababalaghan ay araw-araw na karanasan ng mga tao sa
Pilipinas. Hindi lang makukulong sa Cubao ang tagpuan ng mga “balita” o kwento
dahil ang dyaryong nagkataon ko lamang bilhin ay sinusubaybayan ng maraming
Pilipino, at ang ilan sa kanila’y mismong nakaranas ng ilang pangyayaring
inilahad ng tabloid.
Dahil sa aking natanto, ako’y gumawa ng
parodya sa pahinang “Para Malibang” na halaw sa mga katha ni Tony Perez, ang
mga pangyayari sa mga kwento o ang karanasan ng isang tauhan.
Ito’y aking ginawa upang ipakita ang
aking pagpapahalaga sa mga akda ni Perez. Ang paggamit niya ng ilang multo at halimaw
mula sa mitolohiya ng mga Pilipino upang ihawig sa tao ang nagmulat sa akin na
ang ilang kababalaghang ating nararanasan ay kailangan sa buhay dahil ito na
rin ang nagbibigay kahulugan sa ating pagkatao.
No comments:
Post a Comment